PSP and Game Consoles

Sa tulong ng isa kong kaibigan noong college, nakahanap din ako nang makakapagbenta nang murang PSP na kumpleto na ang package. Kaya nung November 24 e nakabili na rin ako sa wakas. Ahehe…

Noong bata talaga ako, hindi pa talaga ako nakapag-ari nang game console. My father used to borrow a Sega console from his friends, na tumagal lang sa amin nang isang buwan. Natuwa talaga ako noon, kasi for the first time in my life, nakapaglaro ako nang mga larong Jungle Book at Samurai Spirits sa Sega. Nakakatawa nga kasi nagmamadali pa akong umuwi mula sa school para lang makapaglaro agad nang Sega. Pero gaya nga nang sabi ko, tumagal lang sa amin nang isang buwan yung Sega, kasi binawi rin agad nung may-ari. Kaya ayun, back to normal way of life ako.

Noong mga uhuging days ko, e nakahawak din ako nang SNES dahil sa isa kong kalaro na kapitbahay ko rin. Langya, kapag uuwi ako nang bahay sumasakit ang mga hinlalaki ko kakapindot sa joystick (racing kasi nilalaro namin. akala ko kasi noong bata ako, pag pinindot ko pa nang husto yung isang button sa joystick e mas lalong bibilis yung sasakyan ko). Pero isang beses lang namaga yung daliri ko, kasi after noon, hindi na rin ako nakahawak kasi mas pinapahiram nung kalaro ko yung iba pa niyang “friends” na ang favorite hobby e sirain ang mga laruan niya.

Noong nasa grade school na ako, aba, asensado na. Nakahiram na ako nang GameBoy mula sa isa kong kaklase. Hindi ito yung model na kasing kapal nang sabong panlaba. Slimmer siya, pero hindi pa colored. Pinayagan ako nang kaklase ko na hiramin yung GameBoy niya over the weekend kasi natutuwa akong laruin yung Donkey Kong. Pero noong lalaruin ko na sa bahay, hindi ko na mabuksan yung GameBoy, bigla na lang kasing nagflash yung red light indicator nung GameBoy tapos nawala rin. Tingin ko nasira. Noong kina-Lunes-an e iyak nang iyak yung kaklase ko, dahil sa pagpanaw nang GameBoy niya. Siguro iniisip mo na ako ang nakasira nang GameBoy niya. Excuse me, pero handa kong ipaglaban ang sarili ko sa lahat nang korte na hindi ko yun nasira (siguro?).

Sa high school naman ako nakahawak nang GameBoy Advance. Nalaro ko yung Spider Man doon at elibs na elibs talaga ako kasi colored na! Kaso binawi din agad nung kaklase ko after 5-10 minutes. Siguro kilala niya yung kaklase ko nung grade school na meron ding GameBoy (na sinasabi niyang sinira ko daw) at sinabihan siguro siya na GameBoy killer ako kaya ayun, hindi na niya talaga ako pinahiram.

Siguro nagtataka kayo kung bakit PSP ang binili ko at hindi Nintendo DS Lite, gayong halos lahat nang nahawakan kong game console e puro gawa nang Nintendo. Sa totoo lang, hindi ko nasubukang maglaro nang NDSL, kaya hindi ko nagawang makapamili sa dalawa. Pero kasi, elibs lang talaga siguro ako sa PlayStation system gawa na rin nang ilang beses nang paglalaro nang NBA Live at Fight Night sa PlayStation nang mga pinsan ko (doon pinapahiram talaga nila ako - nang matagal, mwehehehe).

Kaya masaya na rin ako sa PSP ko. :D

O siya, aalis na muna ako. Maglalaro pa ako nang Silent Hill The Origins kasi di ko ito malalaro pag gabi na (ganyan ako kaduwag). ;)