Back to School!

Pasukan na naman nang mga bata sa eskwelahan (parang akala mo kung sinong matanda na e no). And siyempre, kapag nagsimula na namang magsipasok ang mga bata sa schools, darami na naman ang mga magcocommute. Thus, hindi na uli pwede yung gigising ako ng tanghali, dahil for sure, mahaba na ang pila sa terminal nang FX.

Mula nung nagcollege ako, mas gusto ko bumiyahe kapag mga tipong March to May, kasi talagang madaling sumakay for me, hindi mala-anaconda sa haba ang pila sa terminal nang FX, at maluwag sa MRT. May one time nga nung nasa MRT ako, na parang nasa Guadalupe na ako (from Ayala) e maluwag pa rin. Nagtaka pa ako noon kung bakit ang kaunti pa rin nang tao na sumasakay, gayong kapag nasa Guadalupe na e halos hindi na kami makahinga sa sobrang sikip sa loob. Noon ko lang narealize na Abril na pala, walang masyadong tao maliban sa mga working na, at yung mga katulad ko dati na walang baka-bakasyon.

Isa sa mga senyales na malapit na nga ang pasukan ay kapag nagsimula nang ilabas nang mga bookstores ang mga school supplies. As in literally inilalabas, na tipong kalahati na lang nang hallway sa mall ang madaraanan. Tapos may mga nakasabit na ring mga papel sa kisame na nakalagay na “Cool Kids Back to School!” o kaya mga “Balik Eskwela na!” o kaya mga “50% Discount on All Items!”. Sa mga department stores mo rin makikita yung mga uniporme nang mga bata gaya nang pantalon, polo, medyas saka sapatos. Naalala ko pa dati, ang requirement sa school namin e yung may paha na polo; hindi pwede yung straight cut lang. Kaya yung mga nakabili na nang straight cut, napilitang either iparepair sa mananahi ang polo, o kaya bumili na lang nang bago.

Naalala ko rin nung estudyante pa lang ako, para makatipid e tinatanggal namin nang nanay ko yung spring sa notebook, tapos pagsasamahin namin yung mga papel na wala pang sulat, saka irerebind gamit yung tali na pang-gantsilyo. Kaya pag naglelecture na, nakakatuwang tignan yung notebook na iba-iba ang kulay nang pages. Kahit papaano naman naranasan ko na rin yung pumasok ako sa first day nang klase na lahat nang gamit sa buong katawan ko e bago, siguro mas pinakita lang sa akin nang nanay ko yung “pagrerecycle” ng mga school supplies, para mas mapahalagahan ko yung essence nang pagtitipid.

Natatawa pa nga ako dati, kasi naiinggit pa ako dun sa mga mayroong bag na may gulong tapos hinahatak lang nila. Pero nung nakita ko na gumulong yung bag nung kasama ko sa pupu nang aso sa may amin, hindi na uli ako nainggit. Takte inilalagay ko sa bag ko yung baon ko, tapos pagugulungin ko yung bag ko sa pupu? No way! Kaya hindi ko na rin inisip na magkaroon nang ganong bag. Well too late, kasi kinabukasan, naibili ako nang nanay ko nang de-gulong na bag. *nyikes*

Burara rin ako nung elementary. Himala na para sa nanay ko yung hindi ako mawawalan nang kahit na isa man lang na gamit sa isang araw. Kadalasan sa mga nawawala e lapis, pambura, panyo o kaya notebook (hindi ko talaga alam kung bakit pati notebook e naiwawala ko dati). Kaya kapag uuwi ako, madalas akong pinagagalitan nang nanay ko kapag iniinspeksyon niya ang gamit ko for casualties.

Tamad din akong magtake down notes nung bata ako. Kaya kadalasan ang mga notebook ko e walang sulat kung hindi mga animation na ginagawa ko sa bawat page (tapos kapag naflip mo nang mabilis yung mga pages e gagalaw na yung character. astig di ba?!?!). Naku, pagagalitan ako nang nanay ko noon kapag tinignan niya ang mga notebook ko. Noon kasi pagkagaling ko sa eskwela, titignan niya yung mga notebook ko tapos tatanungin niya ako kung ano pinag-aralan namin nung araw na yun. Kapag wala akong naisagot, o walang naisagot yung notebook ko (kasi nga walang sulat), patay na ako. Kaya tuloy dati, may assignment pala kami, hindi ko nagagawa, kasi nga hindi ko alam na meron pala, at bunga iyon nang hindi ko pagtatake down notes.

Student’s life. Masaya rin palang alalahanin ang mga kalokohan ko nung bata ako. :lol: