The Boat is Sinking…

Ano ang gagawin mo kapag nakikita mo nang lumulubog yung barkong sinasakyan mo? Lahat nang tao sa paligid mo, nagsisipag-suotan na nang life jackets at nagsisitalunan na sa tubig. Iyong iba nakikita mong sumasakay sa kabilang barko. Yung iba, nakikita mong lumalangoy lang sa tubig.

Marami pa rin ang nasa barko, ayaw pa ring umalis. Like yung kapitan, kasi hindi pa rin siya naniniwala na lumulubog na ang barko niya. Iniisip pa rin niyang makakaligtas ang barko niya at madadala niya ang mga tauhan at pasahero niya sa kanilang paroroonan. Pero marami sa mga tauhan ang hindi na naniniwala sa kakayahan niyang dalhin sila sa paroroonan nila. Kaya yung mga matatagal na niyang crew, nagsisitalunan na sa tubig.

Kumukuha ang kapitan nang mga bagong tauhan para maisalba ang barko niya. Kaya lang, iba pa rin talaga yung kakayahan nung mga umalis niyang tao. Alam nang mga bago kung paano magpatakbo nang barko, pero di nila kabisado ang mga pasikot-sikot. Malamang na kakailanganin pa nang maraming pagsasanay bago sila matuto.

May mga bulung-bulungan na itatapon din daw ang barko na iyon after quite some time. Hindi na rin daw kasi yun kakailanganin nang may-ari dahil darating ang panahon na mawawalan na ito nang silbi sa kanya. At pag nangyari yun, kahit ang Kapitan ay mapipilitang mag-isip. At malamang, tatalon na rin sa dagat pati yung mga bagong tao na tumutulong ngayon sa Kapitan.

Nilibot ko ang barko. Halos wala nang laman ang mga silid, kahit ang kusina at kainan. May ibang patuloy na hindi pinapansin ang kaguluhang nangyayari, gaya na lang ng mga musikerong patuloy pa rin sa pagbibigay aliw sa mga binabagabag.

Parang may nagtutulak sa akin na kunin na ang life jacket at tumalon na. Ayoko mang magpa-impluwensiya sa kanila, naiisip ko kung hinog na ba ang pagkakataon? O naghihintay pa rin ako? Pero ano nga ba ang hinihintay ko? Ano ba ang dapat mangyari para sabihin ko na sa sarili kong dapat na akong tumalon?

Nakikiramay ako sa mga biktima nang MV Princess of the Stars. Alam ko kung ano ang pinagdaanan nila.